0


Nanindigan kahapon si Sen. Leila de Lima na lalabanan niya ang ginagawang panggigipit at panghihiya sa kanya ng administrasyon ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte, kabilang na ang pagpinta sa kanyang katauhan bilang “slut” o masamang babae.

“Hangga’t kaya ko kakayanin ko. Hangga’t kaya ko lalaban po ako,” diin ni De Lima nang magsalita sa harap ng mga estudyante at faculty ng Miriam College sa Quezon City kaugnay ng isinagawang dialogue on human rights and democracy.

Mariing itinanggi ni De Lima ang mga akusasyon na nakinabang siya sa drug trade lalo na ang tawaging siya ang reyna ng drug trade sa New Bilibid Prison (NBP).



Matatandaan na naghain ng kaso ang Volunteers Against Crime and Corruption at sina dating NBI Deputy Director Reynaldo Esmeralda at Ruel Lasala kay De Lima ng paglabag sa Section 5 at 26 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act dahil sa pagkakasangkot umano nito sa illegal drug trade sa Bilibid.

Maging ang police chief ng bayan ng Albuera, Leyte, naghain din ng kaso sa Ombudsman laban kay De Lima dahil sa pagtanggap umano ng drug money sa drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa.

Bukod sa pag-iimbento ng kaso na may kinalaman siya sa drug trade, ang ikinasasama ng loob ni De Lima ay nang palabasin ni Pangulong Duterte at ng mga alipores nito na marami siyang nakarelasyon.

"I am not an evil woman or a slut they are trying to portray the past few weeks,” diin ng senadora.



“I have not partied with or slept with any drug convict,” dugtong nito.

Bagama’t inamin ni De Lima na may ginawa siyang pagkakamali dahil sa kanyang kahinaan bilang isang babae, binigyan-diin nito na hindi niya pinagtaksilan ang inang bayan.






SOURCE: dyaryo

Post a Comment

 
Top